By Harold Hisona
Published: October 23, 2012
Sa Philippine Development Plan 2011-2016 ni Pang. Noynoy Aquino, isang beses nabanggit ang programang K+12 sa edukasyon, sa seksyon tungkol sa pagsapat ng mga estudyante sa mga ligal at iba pang pormal na rekisito sa pagtatrabaho.
Ganito ang ideya sa likod ng K+12: pahintulutan ang mga estudyante na makapagtrabaho pagkatapos ng hayskul. Ito rin ang dahilan kung bakit ang dalawang taong dagdag sa hayskul ay lalagyan ng mga araling teknikal-bokasyunal.
Malinaw kung gayon na layunin ng K+12 na isadlak ang mga kabataan at estudyante sa mga trabahong mababa ang sahod at kontraktwal. Kaakibat ng pagkaltas sa subsidyo sa mga State Colleges and Universities, pagkakaitan ng K+12 ang mga kabataan at estudyante ng oportunidad na makapagkolehiyo at makakuha ng trabahong may mas mataas na sahod.
Pag-aangkop ang K+12 ng sistemang pang-edukasyon sa sitwasyon ngayon ng job market, na hinuhubog ng Cheap Labor Policy ng gobyerno. Magdudulot ito ng mas mababang pasahod, kontraktwal na empleyo, at pag-atake sa seguridad sa trabaho at mga karapatan ng mga susunod na manggagawa ng bansa.
Panlolokong sabihing lulutasin ng K+12 ang umano’y suliranin ng “jobs mismatch” at magdudulot ito ng mas maraming trabaho. Bahagi ito ng kampanya ng gobyerno na mang-akit ng dayuhang pamumuhunan sa paghahain ng mura at siil na lakas-paggawa – na bigo sa paglikha ng sapat at disenteng trabaho.
Hindi malulutas ang kawalang-trabaho ng mga pagbabago sa sistemang pang-edukasyon. Marami ang kailangang gawin ng gobyerno para malutas ang problema ng kawalang-trabaho at lumikha ng disenteng trabaho – ang palakasin ang mga lokal na industriya at ipatupad ang tunay na programa ng reporma sa agrikultura.
Panawagan namin: Ibasura ang programang K+12. Karapat-dapat ang mga kabataan at estudyante sa sapat na disenteng trabaho, hindi sa malubhang kawalang-trabaho at mababang-klaseng trabaho. Karapat-dapat sila sa tunay na mga solusyon sa kawalang-trabaho, hindi ng programang puro kayabangan at bahagi lamang ng problema. ##
Reference: Sammy Malunes, KPMM spokesperson, 0933-4433847

